Bihira raw munang mapapanood sa longest-running noontime show na "Eat Bulaga" si Maine Mendoza. Alamin kung bakit.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dahil ito sa dalawa niyang nakalinyang pelikula na gagawin niya at iba pang showbiz commitments.
Inihayag ito ni Maine nang makapanayam sa media conference ng pinakabago niyang ng endorsement kung saan pretty in pink at looking fresh siyang humarap sa media.
Beauty tips ni Maine, sleep, water at self-love para lumabas ang natural na ganda.
"'Pag malungkot ako, 'pag down ako, binibigyan ko 'yung sarili ko ng time para malungkot kasi ang hirap na tatakasan mo 'yun... Pagkatulog ko, kinabukasan okay na ako. Ganu'n siya sa akin. 'Yun din ang mai-a-advice ko sa mga tao," sabi ni Maine.
Back-to-back ang mga blessing ni Maine ngayong 2019.
Kasama niya si Bossing Vic Sotto sa pelikulang "Mission Unstapabol: The Don Identity," na isang MMFF family drama movie, at ang "Isa Pa with Feelings" kasama si Carlo Aquino.
Dumaan na rin sina Maine at Carlo sa familiarity workshop.
"Ang kulit niya kasi, makulit din siyang lalaki. Parang same kami ng wavelength. Kumbaga 'yung mga jokes ko benta sa kaniya, 'yung mga jokes niya benta sa akin. So most of the time kapag nagwo-workshop kami tawa lang kami nang tawa," anang EB Dabarkads.
Dahil sa kaniyang very tight schedule, inilahad ni Maine na madalang muna siyang mapanood sa Eat Bulaga.
Mami-miss lang niya ang kaniyang Eat Bulaga family pero nilinaw niyang hindi naman ito pamamaalam.
"Magsasabay 'yung shooting niya so baka bihira niyo na ako makita sa 'Eat Bulaga' mga dabarkads. Pero 'wag niyo sana ako makalimutan," biro niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News
