Star-studded ang premiere night ng mga pelikulang kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019, na magsisimula na nitong Biyernes.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing sinuportahan si Boy 2 Quizon ng kaniyang mga kaBabol na sina Michael V., Sef Cadayona, Roadfill ng "Moymoy Palaboy," Paolo Contis at Antonio Aquitania, sa premiere ng kaniyang pelikulang "I'm Ellenya L."

Gayak-Barbie naman sina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables sa premiere ng "The Panti Sisters."

"Mas nararamdaman namin 'yung pressure sa mga laman-loob namin kasi naka-corset kami. Hahaha!" saad ni Paolo.

"Sana maraming manood and sumuporta sa Panti Sisters," paghikayat ni Martin.

Kantahan naman ang peg ng premiere night ng "LSS" na pinagbibidahan nina Gabbi Garcia at nobyong si Khalil Ramos. Tampok din sa pelikula ang musika ng bandang Ben&Ben.

Dumalo rin ang mga batikang aktres na sina Gina Alajar at Jaclyn Jose sa premiere night ng pelikula nilang "Circa."

"Excited ako for the whole thing, 'yung merong festival na PPP at successful kasi ang gaganda ng entry," sabi ni Jaclyn.

"Nakakatuwa na, of course kasama kami, tapos lagi nilang sinasabi na 'This is the only movie with an all-star cast," ayon naman kay direk Gina.

Ang pelikulang "Circa" ay pagkilala sa sentenaryo ng pelikulang Pilipino.

Dinagsa rin ang premiere ng "Lola Igna" na pinagbibidahang ng beteranang aktres na si Angie Ferro.

Dapat ding panoorin ang pelikula ni Jean Garcia na "Watch Me Kill."

"Ako lang, ang sa akin lang is I'm very proud, truly proud of this project. So ang gusto ko lang talaga ay ma-enjoy at panoorin talaga ng mga tao," ani Jean.

Kasama rin sa Pista ang mga pelikulang "Open," "Cuddle Weather," "G!" at "Pagbalik."

Wala munang makasasabay na foreign films ang mga pelikula sa PPP sa mga regular na movie houses. — Jamil Santos/RSJ, GMA News