Para kay Kyline Alcantara, mahalaga na magkaroon siya ng tunay na bonding sa fans dahil nalulungkot siya kapag nararamdaman niyang kilala siya ng mga ito, pero hindi naman niya personal na kilala ang mga sumusuporta sa kaniya.

Sa Kapuso ArtisTambayan, natanong si Kyline kung bakit lagi siyang mayroong constant connection sa kaniyang supporters.

"Kasi napansin ko ngayon na meron silang mindset na, nasa-sad din ako doon sa thought na 'yun na, 'Kilala kita, pero hindi mo ako kilala.' Mas gusto ko 'yung 'Kilala kita at kilala mo rin ako,' with my fans."

Dahil dito, ayos lang daw kay Kyline kahit maging maikli ang kaniyang tulog maka-bonding lang ang kaniyang fans.

"As much as possible, I can lose my sleep para lang makasama sila, and gusto ko rin maiparamdam sa kanila at maibalik sa kanila personally 'yung love and support and pagpoprotekta na ipinaramdam nila sa akin even though they are not with me," sabi pa ni La Nueva Diva.

Sinagot din ni Kyline ang iba pang katanungan ng fans, tulad ng kaniyang favorite song at animal, at kung paano siya nananatiling positibo.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News