Itinanghal bilang Mr. Pogi 2006 at Prince of Philippine Independent Films noong 2011, hindi maitatangging magaling at epektibong aktor si EA Guzman. Ngunit sa kabila nito, kinailangan niyang kumayod sa murang edad matapos mamatay ang ama, dahil ayaw niyang mapabayaan ang ina.
Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ng bunso sa apat na magkakapatid na si EA na sumasali na siya sa mga declamation, singing at dancing contests ng eskuwelahan kahit noong bata pa siya.
Maaga raw namaalam ang kaniyang ama.
"Namatay 'yung dad ko, sobrang hirap, 13 years old ako noon. Naisip ko na kawawa 'yung mommy ko kaya naisip ko na magtrabaho, sumali sa mga contests," sabi ni EA.
Naging breadwinner si EA ng pamilya, kasabay na rin ng pagpasok niya sa showbiz.
Taong 2006 nang tanghalin siyang Mr. Pogi ng Eat Bulaga. Dito na nagsimula ang kaniyang mga proyekto sa Kapuso Network, kabilang ang Daisy Siete, My Korean Jagiya (2017), The Stepdaughters (2018), Dragon Lady (2019), at One of the Baes (2019).
Binansagan din siyang Prince of Philippine Independent Films noong 2011 dahil sa iba't ibang indie films na kaniyang kinabilangan, kabilang ang Deadma Walking noong 2017.
— Jamil Santos/DVM, GMA News
