Itinuturing espesyal ng grupong Black Eyed Peas ang gagawin nilang pagtatanghal sa closing ceremonies ng 2019 Southeast Asian Games, mamayang gabi sa News Clark City sa Tarlac.

Sa StarBites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, tiyak na mapupuno ng kasiyahan ang closing ceremony dahil na rin sa gagawing pagtatanghal ng Black Eyed Peas, na nasa likod ng mga awiting "Where Is The Love?," "Pump It", "Boom Boom Pow!" at iba pa.

Pero kung kanta raw silang iaalay para sa katatapos na SEA Games, ito raw ay ang isa pa nilang hit song na "I Got A Feeling."

Ayon sa grupo, gusto raw nilang maging bahagi ng momentous event na ito kaya kahit daw mahigpit ang kanilang schedule ay  ginawan nila ng paraan para makapag-perform.

"It’s gonna be a party vibe Black Eyed Peas hits and of course some of the tagalog songs in the album. Its gonna be a celebration for the athletes that gave their all," sabi ni Apl.de. ap

"We know what it means we know what Apl and this country means and all that we’ve done and all that we’re gonna continue to do what it means for his village for his province," ayon naman kay Will.i.am., nang humarap sila sa ilang miyembro ng media.

Kahit na raw nakapag-perform na sila sa iba’t-ibang malalaking sporting events sa mundo, espesyal daw ang performance nila para sa SEA Games closing ceremonies.

Kahit nga raw magkakaiba ang lahi at pinanggalingan ng miyembro ng grupo, napamahal na rin daw kina Will.i.am at Taboo ang Pilipinas at ang mga Pinoy dahil nagsimula raw ang kanilang grupo  sa isang Pinoy community sa California.

Lahat nga raw sila ay nagkaroon ng Pinay girlfriends , at si Taboo, Pinay na tubong cavite ang napangasawa.

Naniniwala rin ang grupo na kaya pa ng Pilipinas na mas maging progresibo. -- FRJ, GMA News