Tumutulong din sa mga nasagip at nasugatang hayop dahil sa pagputok ng bulkang Taal ang isa pang "Born to be Wild" host na si Doc Ferds Recio, na isang beterinaryong Batangeño.

Sa Facebook page ng "Born to be Wild," makikita si Doc Ferds habang ginagamot ang isang kabayo na nagtamo ng lapnos sa katawan.

"Sugatan at nanghihina... ito ang kalagayan ng mga nakaligtas na kabayo sa Batangas. Sa mga larawan, makikita na ginagamot na sila ngayon ni Doc Ferds na isa ring Batangueño," saad sa caption ng larawan.

Kabilang ang mga kabayo sa maraming hayop na naiwan ng kani-kanilang mga amo nang lumikas ang mga ito sa isla dahil sa pag-alburoto ng bulkan.

Naging kabuhayan ng maraming residente sa isla ng Taal ang mga kabayo na ginagamit ng mga turista na nais makaakyat sa bunganga ng bulkan.

READ: Doc. Nielsen ng 'Born to be Wild,' tumulong sa rescue ops ng mga hayop sa Batangas

Matapos humupa ang pag-alburoto ng bulkan, binalikan ng mga amo ang kanilang mga alaga, habang may iba namang hayop na sinagip ng iba't ibang grupo.

Kabilang sa mga sumagip sa mga hayop ang co-host ni Doc Ferds sa programa na si Doc. Nielson Donato, na kasama ang mga  volunteer ng animal lover group na Guardians of the Fur. --FRJ, GMA News