Sa bloggers conference para sa programang "Tadhana," marami ang nakapansin na carbon copy si Marian Rivera ng kaniyang panganay na si Zia. Natanong ang Kapuso Primetime Queen kung papayagan na ba niyang mag-artista ang anak.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Marian na pareho sila ng ugali ni Zia bagaman inglisera umano ang bata.
"Napakakalog na bata, masayahin, malambing," pagbahagi ni Marian.
Dahil nakagawa na ng mga tv commercial si Zia at nakikita sa ilang print ads, marami ang nakapansin na natural ang pagiging artista ng bata.
Hakbang na nga ba ito para payagan nina Marian at mister niyang si Dingdong Dantes na tuluyang mag-artista ang anak?
"Pinapayagan naman namin siya mag-tvc [TV commercial] pero after that aral muna siya. Iba pa rin ang may pinag-aralan," saad ni Marian.
Sa naturang blog con, isa sa mga itatampok sa "Tadhana" ang kuwento ng isang babae na bibilhin ang hiniwalayang mister matapos siyang tumama sa lotto.
Pagbibidahan ang naturang episode ni Sunshine Dizon.--FRJ, GMA News
