Pinataob ni Alex Eala ang pambato ng Australia na si Priscilla Hon sa iskor na 6-0, 6-2 sa pagsisimula ng kaniyang kampanya sa 2026 Birmingham Open campaign nitong Martes sa Edgbaston Priory Club sa Birmingham, United Kingdom.

Kontrolado ng 21-anyos na Pinay tennis star mula sa umpisa hanggang sa huli ng laban at muntik nang hindi makapuntos ang 28-anyos niyang katunggali sa kanilang laban.

Sa unang set, nanalo si Eala sa iskor na 6-0, at naka-5-0 pa sa ikalawang set bago nakapuntos si Hon ng dalawa.

Dahil sa panalo, uusad si Eala sa Round of 16 kung saan makakaharap niya ang mananalo sa laban nina Greet Minnen at Alina Charaeva.

Sa kanilang laban ni Hon, sinamantala ni Eala ang sunod-sunod na pagkakamali ng Australian player, kabilang ang dalawang magkasunod na error na nagbigay-daan sa Pinay tennis star upang madaling maipanalo ang unang set, 6-0.

Dinala ni Eala ang kaniyang momentum sa ikalawang set at nagtala ng napakalakas na forehand winner upang umabante sa 40-30 sa ikalimang laro. Sinundan ito ni Hon ng isa pang unforced error, na nagbigay kay Eala ng break at malaking kalamangan na 5-0.

Hanggang sa maipanalo ni Hon ang sumunod na dalawang laro upang makapagpatuloy pa sa laban. – FRJ GMA News