Kung mga nakakakilig at heartbreak songs ang kadalasang hugot ng mga Pinoy, gusto namang maiba ni Princess Velasco na gustong mag-compose ng isang kanta tungkol sa pagiging dalisay o matatag ng pag-ibig.

"[I]t's finding peace in love. Kasi 'di ba karamihan ng love songs it's really the early stages, 'yung sobrang in love ka. And then also mas marami actually 'yung heartbreak songs kasi diyan lumalabas ang damdamin mo, diyan lumalabas ang creative juices mo. Talagang mas maraming hugot ang mga Pinoy sa mga ganiyan," sabi ni Princess sa GMA News Online kasabay ng pag-release ng bago niyang single na "Ikaw Nga" nitong Martes.

"Pero I wanna explore writing a song about that, 'yung kalma ng isang taong nagmamahal nang steadfast, 'yung dalisay na pag-ibig na talagang tuloy-tuloy," dagdag niya.

"Kasi married na ako eh. So that's where I am now, that's how I feel now. 'Yan ang tumatakbong idea ko," pagpapatuloy ng OPM Acoustic Princess.

New Year's Resolution daw ni Princess na sumulat pa ng maraming kanta.

"My process, wala siyang template eh. So minsan I start with the lyrics, minsan I start with the melody. Minsan nauuna 'yung idea lang bago siya isulat. Iba-iba naman ang proseso pero hopefully makagawa ako ng isang kanta na totoo para sa nararamdaman ko ngayon, sa estado ko ng buhay ngayon, para mas effective siya na gawing kanta talaga," paliwanag ni Princess.

Sandaling nawala sa music scene si Princess nang maglaan siya ng oras sa kaniyang pamilya. May dalawa na siyang anak ngayon sa asawa na si Dr. Mark Herbert "Bistek" Rosario, na sina Kobe at Milo.

Nitong nakaraang taon, pumirma ng kontrata sa GMA Music si Princess para sa kaniyang pagbabalik-recording.

"[M]ost people, they felt na I came out of retirement. I really didn't retire actually. But because I was so focused on family life, building my family, and then married life... Foundation 'yan eh sa mga first few years. So akala ng mga tao nag-retire talaga ako," paglalahad ni Princess.

"But really I did not retire, I still was singing, wala lang talaga akong record. So when I came out with a new record with GMA Music, sobra akong natuwa, sobra akong nabuhayan ng loob kasi meron pa ring mga tao talaga na nag-aabang ng music for me despite it being so long na since my last album. So sobrang saya ko kasi in all of the facets of my life right now, I'm at a good place."

Relaxing, smooth at swabe ang revival ni Princess ng sikat na kanta ng South Border na "Ikaw Nga" bilang kaniyang bagong single.

 

 

"Binigay 'yan sa akin, um-oo na ako agad... [S]a unang proposal pa lang, um-okay na ako kasi, well, okay 'yung song. Maganda, I've known it for a long time. Medyo na-challenge lang ako kasi maraming versions eh, 'yun lang. Pero pumayag naman ako," ani Princess.

Kaya para kay Princess, para sa mga babaeng mahilig kumanta ang version niya ng "Ikaw Nga."

Mapakikinggan ang "Ikaw Nga" sa mga iba't ibang music stores. --FRJ, GMA News