Binigyan ni "Acoustic Princess OPM" Princess Velasco ng relaxing, smooth at swabe na revival ang sikat na kanta ng South Border na "Ikaw Nga" bilang kaniyang bagong single.

"Itong 'Ikaw Nga' na version ko, medyo acoustic 'yung feel, medyo relax lang compared doon sa original na R&B talaga ng napakagaling na South Border," sabi ni Princess sa panayam sa kaniya ng Barangay LS FM nitong Martes.

Arranged ng Musical Director na si Jun Tamayo ang version ni Princess, at produced sa ilalim ng GMA Music.

Hindi raw inakala ni Princess na darating ang panahon na ire-revive niya ang sikat na kanta ng South Border, na naging theme song ng dating GMA hit serye na "Mulawin."

"Hindi talaga... Siyempre 'yung mga lyrics niyan napakaganda, 'yung melody napakaganda. At nakakatakot siyang kantahin actually eh," ani Princess.

"Sabihin ko nga pala, itong Ikaw Nga, challenge 'yan sa akin noong ire-record ko siya. Eh kasi paano ko siya ire-record kasi nga lalaki ang kumanta at napaka-wide ng range, may mababa, may mataas,"  dagdag pa niya.

Kaya raw para sa mga babaeng mahilig kumanta ang version niya ng "Ikaw Nga."

"Gusto ko lang i-share sa mga singers diyan, o kaya 'yung mga mahilig kumanta na mga babae, ito 'yung version na pambabae na feeling ko kaya ng lahat. Dahil ako, smooth lang 'yung pagkanta ko, swabe lang," sabi ng singer.

 

 

Mapakikinggan ang "Ikaw Nga" ni Princess sa iba't ibang digital stores.
--FRJ, GMA News