Bigo ang dual-voiced Filipino singer na si Marcelito Pomoy na makuha ang kampeonato  sa sikat na talent competition na "America's Got Talent: The Champions."

Nitong Martes, inanunsyo na ang mga nanalo kung saan 3rd runner up lang si Marcelito, na hinangaan dahil sa boses niyang pambabae at lalaki.

 

 

"Marcelito, I love you so much," sabi ni Heidi Klum, isa sa mga hurado. "You have the most beautiful voice — I should actually say the most beautiful voices inside of you. You are a champion. Thank you so much for sharing your talent with all of us."

Ang awiting "Beauty and the Beast" nina Celine Dion at Peabo Bryson ang inawit ni Marcelito sa kaniyang finale performance.

Ang naturang pagtatanghal ay nakakuha ng standing ovation  mula sa audience at mga hurado na si Heidi, Howie Mandel, at Alesha Dixon, pero hindi kay Simon Cowell,

Puna ni Simon, "predictable" ang piniling awitin ng Pinoy.

Ang dance crew na V. Unbeatable ang itinanghal na panalo sa "America's Got Talent: The Champions", kung saan ang mga naglaban-laban ay mga nagwagi sa naturang talent contest mula sa iba't ibang bansa.

 

 

Sumali noon at nag-kampeon si Marcelito sa Philippine franchise ng America's Got Talent noong 2011. --FRJ, GMA News