May tugon si Rudy Baldwin, ang psychic na nakahula umano ng pagkamatay ni Kobe Bryant at ang pagsabog ng Bulkang Taal, sa kaniyang bashers.

Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Rudy kung paano niya nakikita ang kaniyang mga pangitain.

"Halimbawa ikaw, tiningnan kita, nanonood ako sa sarili mong kuwento, parang nanonood ako ng sine ng buong buhay mo na nakikita ko 'yung negative saka positive," saad ng psychic.

"Every time na mag-vision ako is very difficult. Pero para sa akin kasi, para sa inyo din 'yan. I'm more focused doon sa negative kasi ang gusto ko, iwasan nila, umiwas sila," paalala ni Rudy.

Nahulaan daw ni Rudy ang mangyayaring sakuna kay Kobe at sa anak nito Disyembre ng 2019 pa.

"First time kong nag-post kay Kobe it was December 14, 2019. Na-post ko pa 'yung picture ni Kobe at saka nu'ng anak niya. Sabi ko, itong dalawang mag-ama na ito, mamamatay sila before the end of January 2020 sa helicopter crash."

Dahil dito, nakatanggap daw siya ng mga batikos, at pinaalalahanan din siya ng page na bawasan ang mga negatibong salita hangga't maaari.

"Noong time na 'yun kasi na-post ko siya about two days only kasi ang dami ko talagang bashers. Minura ako nang minura nila. Sabi ko 'Okay.' Tapos kinausap din ako ng page na medyo huwag akong magbigkas ng ganoon so dinelete ko," ani Rudy.

"Ginawa ko siya sa ibang paraan. Sinabi ko na lang na merong isang legend star from ganito, mamamatay sila sa ano, malapit nang mangyari itong ganito sa helicopter crash," dagdag niya.

May ilan din namang naka-appreciate ng kaniyang mga babala.

"Sa Pilipino kasi nakatanggap ako ng bashers talaga. Pero from America, someone talaga ang nagsabi sa akin 'Thank you very much and I really appreciate it. We'll be more careful. Thank you, thank you.'"

Nag-iwan naman ng mensahe si Rudy para sa kaniyang bashers.

"Hindi porke't na negative ang visions ko, sabihin mo sa isang tao, 'Demonyo ka na! Satanas ka na!' No it's wrong. Kasi ang devil ayaw niyang malaman kung mapapahamak ka o mamatay ka o madisgrasya ka. But sabi ko, I'm prepared for the bashers," anang psychic.

Panoorin kung paano nakita ni Rudy ang pagsabog ng Taal, at ang paalala niya rin sa ilang Kapuso stars.

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

--FRJ, GMA News