Nagbigay sina Leanne Bautista, Yuan "Paopao" Francisco at Angelica Ulip ng kanilang "payong paslit" kung paano gagabayan ng mga magulang ang mga anak na nahuhumaling sa K-Pop, artista, o iba pang pinagkakaabalahan.

Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Leanne, na dapat na mayroong limitasyon sa hilig ng anak at alam ng magulang ang priority ng mga ito--ang pag-aaral at pagtulong sa mga gawaing bahay.

Alam din daw dapat ng mga magulang ang mga pupuntahang event o gawain ng mga anak para mabantayan sila nang maayos.

Para sa mga anak naman, unahin muna ang chores at pag-aaral dahil ito ang mas importante.

Sinabi naman ni Paopao na dapat alam ng magulang kung sino o ano ang kinahihiligan ng anak, at kung bagay ito sa kaniyang edad.

Kung hindi naman masama ang kinahihiligan ng bata, dapat daw itong suportahan at samahan sila para mas magabayan.

Dagdag ni Paopao, walang masama sa pagiging fanatic pero hindi dapat sobra, at hindi dapat makasagabal sa mahalagang bagay tulad ng pag-aaral.

Binigyan-diin naman ni Angelica ang kahalagahan na magabayan ang mga bata dahil maiiwasan na makahiligan talaga ng mga bata ang mga K-Pop o kaya ay mga cartoon character.

Pero kung sa tingin ng magulang na hindi ito tama, maganda raw na ipaliwanag ng mga magulang sa kanilang anak kung bakit upang hindi naman magrebelde ang bata.--FRJ, GMA News