Nagbigay-pag-asa ang Kapuso stars kabilang sina Julie Anne San Jose, Yasmien Kurdi at Gabbi Garcia sa pamamagitan ng online concert na "#HealingHearts," para makatulong sa mga kababayang nawalan ng kabuhayan dahil sa Luzon-wide enhanced community quarantine.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing tugon ito ng GMA Artist Center para maghatid ng inspirasyon, saya at pag-asa sa musika.

Kasama ring naghandog ng awitin sina The Clash season 1 finalist Anthony Rosaldo at The Clash Season 1 Champion Golden Canedo.

Hinarana nila ang mga kababayan gamit ang kanilang Facebook pages.

"Magkaisa po tayo, magtulungan tayong lahat. All we have to do is stay positive, be optimistic despite of the things na nangyayari po sa Pilipinas," saad ni Julie.

Humingi rin ng tulong ang Kapuso stars para sa mga hindi makapagtrabaho ngayong halos lahat ay nasa bahay lang.

Mapupunta sa GMA Kapuso Foundation ang malilikom sa fundraising para sa mga nangangailangan.

Para makatulong, kailangan lamang ng cellphone o mga laptop, at mga credit card.

Pumunta sa Ticket2Me.net, gumawa ng account, hanapin ang Healing Hearts at mag-donate. Mayroong P300, P500, at P1,000.

Emosyonal si Yasmien nang maisip niyang ang simple niyang awit ay makatutulong para sa mga nahihirapan ngayong matindi ang banta ng COVID-19.

Ikinuwento rin ni Yasmien ang concert sa anak na si Ayesha, kaya maging ito, hiniling na sumama sa Healing Hearts.

"Kinanta namin 'yung Heal the World kasi sana ma-heal 'yung world to make it a better place. Maganda siya kasi 'yung message mismo ng song is very touching," sabi ni Yasmien.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News