Hindi naiwasan ni Tom Rodriguez na mabahala para sa kaniyang pamilya na nasa Arizona at California, lalo sa kaniyang kapatid na frontliner na isang nurse, dahil ang Estados Unidos na ang may pinakamadaming COVID-19 cases.

"We've been staying at home ever since na. I myself started quarantining here. Sila rin for the most part they tried to do that na, except I have a sister who's in the healthcare industry so she has to work kasi essential siya," sabi ni Tom sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."

"My mom is with her, helping her take care of my nephew kasi hindi niya mayakap, she has to really change clothes before she enters the house, sanitize," pagpapatuloy ng aktor.

Si Tom naman na nasa Pilipinas, ganito rin ang ginagawa dahil siya ang nakatoka sa deliveries ng pagkain at iba pang essentials sa kanilang tahanan.

Inaasikaso rin ni Tom ang Guhit Pantawid, nang ma-inspire sa girlfriend na si Carla Abellana na gawing kapaki-pakinabang ang oras ngayong enhanced community quarantine.

May mga natapos na siyang artwork, na kaniyang ipinadadala sa mga nag-request sa e-mail.

Nakakalap na ang Guhit Pantawid ng nasa P100,000 para sa mga manggagawang naapektuhan ng kabuhayan nang ipatupad ang lockdown.

"Good problem" aniya na maituturing ni Tom ang dumaraming orders sa kaniyang portrait. "Hindi ko na mabilang pero definitely marami pa." 

Sumasabak din si Tom sa iba't ibang challenge kasama si Carla para mapahinga ang kaniyang kamay, tulad ng "BF does GF's makeup."

"Comment lang niya, kailangang isang kamay lang 'yung gamitin because I tend to switch. Kapag kabilang side, I use my other hand kaya 'yung eye liner minsan... walang undo. Hindi katulad sa Photoshop or sa digital art, may CTRL + Z. Doon wala," kuwento ni Tom.

Bukod kay Tom, may kapatid din na nurse si Aicelle Santos na nasa UK, at pinaalalahanan niya ito na mag-ingat.

May kapatid ding nurse si Alden Richards na frontliner sa California, at hindi niya napigilang maging emosyonal dahil sa pag-aalala para sa kapatid. — Jamil Santos/RSJ, GMA News