Kahit isa nang nurse sa Amerika, ipinagpapatuloy pa rin ni Princess Punzalan na abutin ang kaniyang Hollywood dream. At tila abot-kamay na niya ang naturang pangarap dahil may pelikula na siyang gagawin kapag natapos na ang krisis sa COVID-19 pandemic.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nasa acting class noon si Princess nang makita siya ng isang agent na sadyang pumunta sa lugar para tingnan kung sino ang may potensyal na maging artista sa Hollywood.

"She saw what I did. And then Billy, who was my acting coach, sent her my resume and she was interested. And then ayun, in-offer-an niya ako kung gusto ko raw siyang maging agent," kuwento ni Princess.

Nakita rin ni Princess ang kaniyang Hollywood manager matapos nitong mag-post sa isang actors group na naghahanap ito ng bagong artistang ima-manage.

"Out of the 96 posts na nag-respond sa kaniya, dalawa kami na binigyan niya ng sagot, ang sabi niya 'E-mail me.' So ayun, in-e-mail ko sa kaniya kung ano 'yung resume ko and acting reel ko," kuwento pa ni Princess.

Kaya kapag natapos na ang COVID-19 pandemic, may sisimulan na raw siyang pelikula sa US na ang working title ay "The Interview."

"I have a movie coming up and nasa pre-production stage pa siya, ang title is 'The Interview' and I will be playing a role of the officer and the movie is about the interview process kapag ka nag-a-apply ng green card o kaya ng citizenship dito sa Amerika," anang aktres.

Isa ring registered nurse si Princess sa Amerika at itutuloy daw niya ito kahit maging artista na siya sa Hollywood.

"I think I will have to because hindi naman araw-araw merong trabaho bilang artista," sagot ni Princess nang tanungin kung pagsasabayin niya ang pagiging nurse at pagiging artista.

"Ang pag-aartista dito sa Amerika hindi madali, isa itong pangarap para sa akin. And I'm working towards my goal na sana nagkaroon ng katuparan 'yon," sabi ni Princess.--Jamil Santos/FRJ, GMA News