Unique na mga sayaw na may halong comedy sketches ang ginawang online show ni Kiray Celis kasama ang kaniyang pamilya at nobyo. Papaano kaya niya nakumbinsi ang ama at boyfriend na sumali? 

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," makikitang isa ang "Sayaw Kikay" sa mga sinayaw ni Kiray kasama ang mga kapatid at boyfriend na si Stephan Estopia.

Meron ding comedy sketches sa pagitan ng mga sayaw.

"Sa akin po nakuha 'yung idea na after ng sayaw, meron kaming mga nakakatawang sketch or comedy pickup lines kasi feeling ko parang kailangan sa haba ng video dapat ma-maintain namin na panoorin kami nang mahaba ng mga tao," sabi ni Kiray.

Inilahad ni Kiray kung paano niya ito binuo.

"Naghanap talaga ako sa TikTok ng pinakanakakatawa na kapag napanood ko, mismong ako natatawa. 'Yung sayaw namin more on lumang sayaw, mga Asereje, Hey Ya!" anang Kapuso comedianne.

Kinuwento rin ni Kiary kung paano niya napilit sumama sa katuwaan ang kaniyang ama.

"Nahirapan talaga ako kay papa kasi ayaw mag-video ng papa ko pero nagulat ako, kapag pinanood mo 'yung video, mukhang hindi naman siya napilitan doon sa ginawa niya," sabi ni Kiray.

Pati kaniyang boyfriend na si Stephan, sinama niya na rin.

"'Yung boyfriend ko wala siyang choice kundi sumama. Wala siyang choice kasi magagalit talaga ako," natatawa niyang sabi.

"Pero sobrang supportive ng boyfriend ko. Kung anong gagawin namin ng family, kung ano gusto ko, ginagawa talaga niya basta mapasaya ako," ani Kiray.--Jamil Santos/FRJ, GMA News