Bilang pagsunod sa huling habilin ng kaniyang namayapang lolo, ibinigay ng international singer na si Michael Bublé ang bahay nito sa kanilang Pinay caretaker na si Minette.  Si Minette, na isa ring nurse, hindi makapaniwala sa sorpresa. 

Sa isang episode ng HGTV show na "Celebrity IOU," sinabi ni Michael na ang taong nais niyang suklian ang kabutihan ay ang Pinay na si Minette na nag-alaga umano sa kaniyang lolo sa Vancouver.

"I hired Minette, the nurse, to come and live with him and by the end, (she) was his best friend," kuwento ni Michael sa hosts ng programa na sina Jonathan at Drew Scott.

Batid din ni Michael na ipinapadala ni Minette ang mga sinasahod nito sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.

"She’s really a special, beautiful woman," patuloy ni Michael.

Patuloy ng mang-aawit, "I think my grandpa would be thrilled knowing that maybe we could lessen the burden a little bit, allowing Minnette to continue helping her family without it being so hard on her."

At habang nasa Pilipinas si Minette para bisitahin ang pamilya, tinulungan ng magkapatid na Scott si Michael na i-renovate ang bahay ng kaniyang lolo bago nila ibigay sa masuwerteng Pinay caretaker.

Nang matapos ang bakasyon sa Pilipinas, sinorpresa ni Michael si Minette tungkol sa kaniyang magiging bahay na, bahay na hindi inasahan ng Pinay kaya labis na naging emosyonal.

"My grandfather, his greatest wish was not just that I kept this house in the family, but it was that this would be your home cause he loved you so much and so there is no documentary this is all for you," sabi ni Michael kay Minette. — FRJ, GMA News