Ngayong panahon ng community quarantine, mas nagkaroon pa raw ng time si Sanya Lopez para mapangalagaan ang kaniyang kalusugan at figure. Nagkomento rin siya ngayong nagbabalik ang Encantadia sa telebisyon at nagkaroon pa ng bagong fans.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing maraming natutunan si Sanya sa panahon ng pananatili niya sa loob ng bahay.

“Ang natutunan at na-realize ko po ay napaka-importante po talaga ng kalusugan. Dahil ang lahat po ng magagarbong materyal o bagay ay hindi po mahalaga kundi ang mahalaga po ay ang ating buhay,” sabi ni Sanya.

Wala pa rin munang trabaho si Sanya kaya binabantayan muna niya ang kaniyang kalusugan at ang kaniyang figure.

“Ngayon nagkaroon na po ako ng time na mag-workout nang mas matagal at ako na rin po mismo ang nagluluto ng sarili kong pagkain para mas nababantayan ko po ang diet ko at tine-take advantage ko na rin po itong panahon na ito at para makatulog nang mas mahaba,” sabi pa ng aktres.

Enjoy naman si Sanya na magbalik-tanaw sa paggawa nila ng sikat na telefantasya, ngayong muling ipinalalabas ang Encantadia sa Telebabad.

“Nakakatuwa po dahil kung noon po ay marami nang nakanood ng Encantadia ay mas marami pa po ang nanonood ngayon dahil quarantine at alam niyo naman po na napakahalaga sa akin ng Encantadia dahil dito po ako nabigyan ng break,” anang aktres.

Lalo naman siyang natuwa nang magkaroon ng bagong audience ang Encantadia na karamihan ay mga bata.

“Mga bata po na ngayon pa lang nakanood ng Encantadia, tumutok lang kayo dahil marami po ang kapanapanabik na kaganapan na mangyayari sa Encantadia kaya naman po Avisala Eshma!” mensahe ni Sanya sa mga bagong Encantadiks.--Jamil Santos/FRJ, GMA News