Inihayag nina LJ Reyes at Paolo Contis na hindi sila pabor sa ngayon sa physical classes para kay Aki, lalo na't wala pang bakuna para sa COVID-19.

"We don't feel safe honestly kasi even though merong vaccine na i-release we don't know yet kung ano 'yung magiging effect kasi short term effect, mapag-aaralan nang mabilisan pero 'yung long-term effect we don't know," sabi ni LJ sa Kapuso Showbiz News.

"Hindi pa kami secured enough to send him to physical school anytime soon," dagdag ni LJ.

Gayunman, kampante naman daw si LJ sa home-based learning na ipatutupad ng eskuwelahan ni Aki.

Patuloy naman daw na ginagabayan nina LJ at Paolo si Aki tungkol sa mga nagaganap sa bansa ngayon, lalo na ang COVID-19 crisis.

"Pinapanood namin siya ng mga materials to understand what is happening, kung ano ang SARS-CoV-2, ano ang pandemic, pinabasa namin siya ng mga news articles para he is very aware of what is happening," kuwento ni LJ.

"Ang point ko lang is, hindi mo naman maitatago 'yan, 10 na siya eh. Pangit namang i-sugarcoat pa eh. Tama si LJ, 'yung ginawa namin sa first few days niya of summer, meron kaming English and reading comprehension niya, pinababasa namin sa kaniya 'yung news," dagdag naman ni Paolo.

"So every day nakikita niya what is happening, kung paano tumataas 'yung sakit, paano dumadami 'yung may sakit. Siya mismo alam niya 'yung nangyayari. It's enough for him to know the facts pero not so much to create fear," dagdag ni Paolo.

Dati na ring sinubok ni LJ ang anak niyang si Aki tungkol sa kaalaman nito hinggil sa COVID-19, at tinanong kung ano ang magagawa nito para mapigil ang paglaganap ng sakit.--Jamil Santos/FRJ, GMA News