Nag-improvise ang production team ng Daddy's Gurl gamit ang camera phones para sa kanilang Quarantine Special, habang hindi pa sila nakakapag-taping sa set.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing ibang iba at bagong experience ang paggawa ng bagong episodes na ito para kay Maine Mendoza.

"Quarantine special so talagang kaabang abang kasi iba rin 'yung ginawa po namin talaga dito. New experience rin talaga and since hindi naman puwedeng magkita-kita muna, magtrabaho sa set, kailangan namin talagang mag-adjust lahat, pero kaya naman po," sabi ni Maine.

ADVERTISEMENT

Bukod dito, napakinabangan din daw ni Maine ang kaniyang pagiging Dubsmash Queen.

"Very light, napakinabangan naman po siya kasi wala po sa set tapos maliit lang 'yung cover ng camera, sobrang importante 'yung facial expression mo talaga kasi kailangan nakikita kapag nagre-react ka doon sa kausap mo. Kasi parang ang style is video call, social distancing," sabi pa ni Maine.

"Medyo mahaba 'yung preparasyon para kuha namin na maganda talaga 'yung ipapalabas namin na broadcast quality siya na mae-enjoy pa rin ng mga tao," sabi ni Chris Martinez, direktor ng Daddy's Gurl.

Makakaabang daw ang viewers ng mga aral na magagamit ngayong quarantine dahil sa COVID-19, bukod sa mga nakatutuwang usapan online ng mga Otogan at kanilang mga kaibigan.

Mapanonood ang Daddy's Gurl sa bago nitong oras pagkatapos ng mas pinaagang Magpakailanman sa Sabado. —Jamil Santos/LBG, GMA News