Hindi nakaiwas si Ruru Madrid at napaamin sa "Wowowin-Tutok To Win" nang tanungin siya ni Kuya Willie Revillame tungkol sa estado ng kaniyang lovelife.

"May girlfriend ka ba ngayon?" diretsong tanong ni Kuya Wil kay Ruru.

"Ah, ano po ulit 'yung pag-uusapan natin dito?" natatawang paiwas na tugon naman ni Ruru, pero muli siyang tinanong ng TV host.

"Bakit ba kayong mga lalaki hindi kayo maging totoo? May girlfriend ka ba, meron o wala?," tanong ulit ni Kuya Wil, sabay payo kay Ruru kung paano sasagutin nang "safe" ang ganung mga tanong.

"Sabihin mo lang, meron akong special, pero okay naman kami," ani Kuya Wil.

Kaya naman inihayag na ni Ruru ang estado ng kaniyang lovelife.

"Ang totoo po niyan meron akong espesyal na kaibigan. Nasa maayos kami na kalagayan. Inspirasyon ko," sabi ni Ruru pero hindi nagbanggit ng pangalan.

Gayunman, tila ibinuko naman siya ni Kuya Wil dahil nauna nang ipinabasa kay Ruru ang mga aktres na susunod na bisita sa programa at isa sa mga ito ang nauugnay ngayon sa aktor. 

Tinanong din ni Kuya Wil si Ruru kung ano ang ideal woman ng aktor.

"Mas ano ako, more on, basta masasakyan niya 'yung trip ko," sagot ni Ruru.

"Medyo adventurous ako, tapos siyempre may takot sa Diyos, at mahal na mahal niya 'yung pamilya niya. Kasi ganoon din 'yung magagawa niya kapag nagkaroon na rin kami ng sarili naming pamilya," sabi pa ni Ruru.

Hirit naman ni Kuya Wil, "Tsaka ang importante, bagay kayo, tugma kayo." --FRJ, GMA News