Sa "Wowowin-Tutok To Win," muling nakasama ni Kuya Willie Revillame ang dati niyang co-host at itinuturing na rin na "anak" na si Gabbi Garcia.

"Alam niyo ito parang anak ko eh, ikaw, si Bianca, si Ashley, Denise... Sila 'yung laging nagpapabili," pabiro ni Kuya Wil kay Gabbi.

"Eh kasi, ang dali-dali lang eh. 'Kuya!'" sabi naman ni Gabbi.

Binalitaan ni Gabbi si Kuya Wil na natupad na niya ang isa niyang pangarap na makuha ang dream house ng kanilang pamilya. Patuloy din daw ang aktres sa pag-invest pa sa kaniyang showbiz career.

"Alam niyo very talented itong batang ito eh. Ang ganda, naging international ang kaniyang mga advertisers. At the same time, ang galing kumanta nito," sabi ni Kuya Wil kay Gabbi.

"Dapat sa 'yo meron kang isang show," hiling ni Kuya Wil para kay Gabbi.

"Nakakatuwa kasi binibigyan mo ng platform 'yung artists ng GMA na mag-perform, mag-showcase, tsaka nagtatanong siya 'Kakanta ka ba? Gusto mo bang sumayaw?'" pasasalamat naman ni Gabbi kay Kuya Wil.

Payo naman ni Kuya Wil kay Gabbi: "Tatandaan niyo ito ha, kaya kayo nandiyan para sa kanila. Hindi 'yung gusto niyong kantahin, dapat 'yung gusto nila para sa'yo, at 'yung para sa kanila. I think sa isang peformer dapat 'yun eh, para sa akin ganoon, para mas lalong umusbong ang career mo."

Matatandaang naging co-host si Gabbi sa Wowowin noong 2015, kasama din sina Bianca Umali, Ashley Ortega, Denise Barbacena at Jazz Ocampo. —Jamil Santos/LDF, GMA News