Hinangaan ni Gabbi Garcia, na gumanap bilang si Sang’gre Alena sa “Encantadia,” ang isang guro na nag-viral kamakailan dahil sa pagko-costume niya ng Encantadia para makahikayat ng mga bata at magulang na mag-enroll ngayong school year.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing kumpleto si teacher Lorena dela Cruz ng Bataan sa kaniyang costumes ng apat na Sang’gre na sina Amihan, Alena, Danaya, at Pirena.

Ikinatuwa ni Gabbi ang pamamaraan ng certified “Encantadik” na guro na gamitin ang kanilang telefantasya para sa magandang aral at para ma-inspire ang mga estudyante.

“Nakakataba ng puso na gano’n kalakas, gano’n kalaki ang impact ng Encantadia, na it’s being used as a tool to encourage students,” sabi ni Gabbi.

“Nagtuturo na po ako nung nagsimula ng Encantadia. Talaga pong pinapasok ko siya sa mga lesson ko kasi po may nakukuha ring mga mabuting asal,” pahayag ni Teacher Lorena. – Jamil Santos/RC, GMA News