Maraming fans ang natuwa nang mapanood ang ilang celebrity idols noong '90s at 2000s na ilan taon na ring tumigil sa showbiz.

Si Miss Millennial Malabon na si Shiara Dizon ang naging celebrity judge at ang mga pinagpilian naman para sa mga tanong ay ang mga dating idol na sina Joshua Dioniso, Reiner Castillo, Chubi del Rosario, Rhea Nakpin, Jao Mapa, Jon Manual, at si Lindsay Custodio.

Bukod sa pagbabalik-tanaw nila sa kanilang buhay sa showbiz, naikuwento rin ng mga dating showbiz idols ang kanilang buhay ngayon. Halos lahat sila ay nakapag-asawa na at may sarili na ring pamilya.

Si Chubi na dating miyembro ng T.G.I.S., in a relationship pero wala pa raw silang balak ng kaniyang nobya ang lumigay na sa tahimik.

"Umaarte pa rin ako. Nag-teatro ako for ten years," kuwento niya."Nag-host naman ako for events. Ongoing pa rin siya, mga kiddie parties."

Sina Joshua at Jao, ikinuwento na pag-aaral ang dahilan kaya pinili nilang iwan ang showbiz.

Naging miyembro ng grupong "Gwapings" si Jao, habang kilala naman si Joshua sa kanilang love team ni Barbie Forteza.

Si Rhean, single mom ngayon at nagtatrabaho bilang flight attendant.

Samantala, mula sa pagiging komedyante sa "Bubble Gang," naglilingkod na ngayon sa isang religious ministry si Jon, kasama ang kaniyang naging asawa.

Sinabi naman ni Rainer na nakaramdam siya ng "pagod" sa showbiz kaya tumigil sa pag-aartista.

"May time na dumating na medyo nakakapagod na rin. Yung halos hindi ko na nakakasama yung family, lalo na kapag mga okasyon na Pasko," kuwento niya.

Ayon sa aktor, ang pagsali niya sa StarStruck ang hinding-hindi makalilimutang karanasan sa showbiz. 

May asawa na rin si Rainier at magiging dalawa na ang kanilang anak.

Hindi naman maiwasan na maging emosyonal ang ilang bahagi ng pagtatanong kay Lindsay dahil sa pagpanaw ng kaniyang mister noong 2018 na dating vice mayor ng Tanauan, Batangas na si Julius Caesar Platon II. --FRJ, GMA News