Nagpaalala si Barbie Forteza sa publiko na mag-ingat laban sa mga scammer na gumagamit ng kaniyang pangalan. Ginawa ito ng aktres matapos nilang malaman na may nagpapakilalang road manager niya at nanghingi ng produkto sa isang online seller.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang Instagram stories ni Barbie kung saan nag-post siya ng screen grab ng palitan ng text message ng nagpanggap na kaniyang road manager at isang online seller.

Itinanggi ni Barbie na kilala niya ang nagpakilalang road manager at hindi niya niya natanggap ang ipinadalang pagkain ng online seller.

"'Yung effort ng tao na gumawa para sa'yo tapos hindi ko natanggap, so sobrang nahiya ako talaga," saad ng aktres.

"Doon naman sa nagpapanggap na RM, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko para sa kaniya. Hindi ko alam kung magagalit ba ako kasi nag-take advantage siya sa ganitong pandemic," sabi ni Barbie.

Hindi ito ang unang beses na nagamit ang pangalan ni Barbie para sa mga scam.

"Pinost ko 'yon dahil gusto kong makarating doon sa nang-scam na aware ako sa ginawa niya and also para to raise awareness sa ibang IG sellers ng mga nagsisimula ng small businesses sa social media na gustong magpadala sa mga artista," anang Kapuso actress.

Samantala, naghahanda na si Barbie sa kaniyang pagbabalik sa trabaho dahil balik-taping na siya sa susunod na buwan para sa pagpapatuloy ng "Anak ni Waray vs Anak ni Biday."

"Hindi siya basta-basta na, 'O kailangan na nating mag-resume,' ganiyan. Nakailang Zoom meetings din kami kung paano gagawin, in-explain sa aming mabuti kung anong mangyayari, kung ano 'yung ma-e-expect namin sa new normal, sa taping. Tinanong kami kung may suggestions kami, para hindi kami mabigla," kuwento ni Barbie.

Bukod sa pagpapalakas ng resistensiya, nag-enroll din si Barbie sa online masterclass ng kaniyang idolong si Cherie Gil para magkaroon pa ng dagdag-kaalaman habang naka-quarantine at home.

"Parang feeling ko bumalik ako sa school tapos na-realize ko rin na since ito naman 'yung trabaho ko, might as well i-improve ko 'yung sarili ko para mas marami pa akong i-offer next time," sabi ni Barbie.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News