Walang iyakan kung hindi puro tawanan ang segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" nitong Biyernes dahil sa dagdag na pampa-good vibes na dala ni Empoy Marquez.

Benta ang mga simpleng hirit ni Empoy sa mga dabarkads, pati na kay Bossing Vic Sotto, na naka-work from home.

Bago ang paghula ni Empoy sa mga pinagpiliang bisita na pawang atletang babae na kinabibilangan ng magandang anak ni Alvin Patrimonio, tinanong muna ni Bossing Vic si Empoy kung judgemental ba siya.

"Sometimes po, pagka every Wednesday," sagot naman ni Empoy na nagpatawa sa mga dabarkads pati na sina Maine Mendoza at Alden Richards.

"May araw ka pa ha. Ang problema, Friday ngayon. Pero okey lang, bawal kasi ang padalus-dalos. Bawal ang magkasakit, at bawal judgmental," sabi ni Vic.

Gaya ng ibang celebrity guest, tinanong din si Empoy kung ano ang sa tingin niya ang tanong na papahuluan sa kaniya.

Sabi naman ni Empoy, "First question, ang inaakala n'yo na mahal ko sa mga oras na ito?"

Dahil sa sinabi ni Empoy, pabirong sinabi ni Vic kung puwede pa bang palitan ang kaniyang celebrity guest na si Empoy.

Nagpasalamat pa si Empoy sa make-up artist ng Eat Bulaga.

"Thank you nga pala sa make-up artist ko. Medyo naidlip ako. Paggising ko... Cynthia Luster na," patungkol niya sa dating sikat na martial artist.

Bukod dito, may mga nakatatawang hirit din si Empoy sa mga dahilan ng sagot niya sa mga tanong tungkol sa mga atleta.

Sa huli, nanalo si Empoy ng P35,000 na pinaghatian nila ng kaniyang homepartner.

Si Empoy ang pinaka-latest na artista na mula sa Kapamilya network na napanood at naglaro sa "Bawal Jugmental." Ilan sa mga nauna sa kaniya ay sina Pokwang, Kim Molina, at Richard Yap.

WATCH: Empoy, gaganap sa 'Wagas' bilang makulit na Sugod-Bahay winner na si Juanito

Noong 2016, napanood si Empoy sa isang episode ng Kapuso progma na "Wagas" sa GMA News TV, kung saan ginampanan niya ang karakter ni "Juanito," na nanalo noon sa "Juan For All, All For One" segment ng EB.-- FRJ, GMA News