Inihayag ni Arra San Agustin na isa siyang workaholic kaya naging problema sa kaniya nang magkaroon ng lockdown at matengga lang sa bahay.

"Kapag may  trabaho ka sanay ka nang dire-diretso. Workaholic kasi ako," saad ni Arra sa panayam ng GMA News "Unang Hirit."

ADVERTISEMENT

"Ayokong natetengga lang ako o ayokong may mga free time. So as much as possible mas gusto ko yung wala akong tulog, yung pagod ako. Mas nag-e-enjoy ako dun," patuloy niya.

Nais daw ng aktres na laging may ginagawa dahil pakiramdaman niya ay mas productive siya at may silbi.

"So nung nag-quarantine parang, 'Shocks wala akong magawa. Ang dami kong oras, anong gagawin ko sa oras? Tapos confined ka pa in your house," kuwento niya.

Kaya naman nag-isip daw siya kung ano ang mga puwede niyang gawin sa bahay para magamit ang kaniyang oras at kabilang sa kaniyang naisip ay mag-bake at mag-aral ng instrumento. Alamin sa video ang intrumento na kaniyang naging libangan sa panahon ng lockdown. Panoorin --FRJ GMA News