Ang aktor na si Geoff Eigenmann ang guest contestant ng "Eat Bulaga" sa kanilang sikat na segment na "Bawal Judgmental." At ang natokang magpakilala sa kaniya, si Maine Mendoza.

"Bossing (Vic), ang guest po natin today, TV and movie actor, my childhood crush—sinabi ko talaga—Geoff Eigenmann!," natatawang sabi ni Maine sa episode ng "EB" nitong Biyernes.

Habang kumakanta naman si Geoff bago ang laro, makikitang masayang pinapanood ni Maine ang aktor at tila binibiro pa siya ng katabi niyang si Alden Richards.

Pagkatapos ng kanta ni Geoff, pabirong sabi ni Maine na, "Grabe, Geoff ang galing mong...sumayaw!

Kunwari namang itinama siya ng mga dabarkads na kumanta si Geoff.

Nang kumustahin ni Bossing Vic ang aktor at ang kaniyang pamilya, tugon ni Geoff, "Mabuti naman ho. Happy. Staying at home with the kids during this quarantine time.”

Sabi ni Geoff, dahil madalas na wala sa bahay ang mga artista dahil sa trabaho, sinasamtala at ini-enjoy daw niya ang panahon ngayon na lagi siya sa bahay dahil na rin sa umiiral na community quarantine.

"Ngayon po getting to spend time with them. Sobrang nag-e-enjoy. Enjoying fatherhood," saad ni Geoff na may  dalawa nang anak sa kaniyang maybahay na si Maya Flores, na buntis din ngayon.

Naging emosyonal naman ang episode dahil mga taong namatayan ang kasintahan ang nakasama sa naturang segment na pinagpilian ni Geoff.

Nagbalik din sa "Eat Bulaga" ang dabarkads na si Allan K.--FRJ, GMA News