Nagulat umano si Bianca Umali nang mag-viral ang isa niyang larawan at umani ng iba't ibang komento sa social media. May mensahe rin siya sa ibang nagbibigay ng ibang pakahulugan sa naturang post.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing hindi pa rin makapaniwala si Bianca na naging trending ang kaniyang pangalan kamakailan dahil sa naturang larawan.

"I was surprised. Kasi nagising na lang ako isang umaga and then my name was top trending on Twitter," sabi ni Bianca.

Umani ng atensyon ang isang simpleng photo ni Bianca kung saan wet look, off-shoulder at nakapulang lipstick ang aktres, na hindi naman daw iba sa mga post niya dati.

Samu't sari ang mga komento ng netizens. Bagaman may mga pumuna, umani rin ang larawan ng libo-libong likes.

"Everyone is beautiful. Be confident with who you are, with how you are, and nobody needs any validation from anyone to say how beautiful they are," sabi ni Bianca.

Dagdag pa ng aktres, maaaring ang kakaibang napansin ng fans sa kaniya ay ang epekto ng pagkakaroon niya ng sapat na oras sa sarili para sa self-love.

"During the quarantine I did actually focus on myself. Health care, I worked out daily. I also took care of the things I eat. Nag-filter ako ng lahat ng mga ini-intake ko and also a lot of yoga," anang Kapuso actress, na eating healthy ngayon.

Sinabi pa niya na kahit ano pa ang sabihin ng iba, hindi matutumbasan nito ang nararamdaman niyang kasiyahan sa puso niya.

"Right now is I eat small meals frequently. Maya't maya po ako kumakain pero pakonti konti lang. Actually hindi lang po healthier eh, I would say na the glow you see after everyone takes care of themselves is 'yung hapiness nila. And I think po 'yun ang masasabi ko na na-achieve ko," ayon kay Bianca.--Jamil Santos/FRJ, GMA News