Nagbalik-"Eat Bulaga" ang dating Dabarkads na si Julia Clarete nang maging guest player sa segment na "Bawal Judgmental" sa pagdiriwang ng 41st anniversary ng noontime show nitong Huwebes.

"Okay naman Bossing. Sa awa ng Diyos, lahat po kami sa bahay ay maayos po, wala po nagkakasakit. Sana kayo rin diyan sa bahay niyo okay kayong lahat ni Tali 'tsaka ni Poleng (Pauleen Luna)," sabi ni Julia nang kumustahin ni Bossing Vic Sotto.

Kinilatis ni Julia ang mga medical frontliner na tinamaan din ng COVID-19 at mapalad na nakaligtas.

Ikinuwento naman ng medical frontliners ang kanilang mga pinagdaanan sa pagpapagaling mula sa virus at kung paano sila bumalik sa trabaho upang ipagpatuloy ang pagsisilbi sa bayan.

Naging guest na rin si Julia sa Bawal Judgmental nitong Enero, nang samahan niya ang kaniyang yaya Jovita bilang isa sa mga choices.

Taong 2016 nang ianunsiyo ni Julia na hindi na siya mapapanood sa Eat Bulaga dahil maninirahan na siya sa Malaysia upang bumuo ng pamilya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News