Nag-trending online ang "Prima Donnas" star na si Sofia Pablo matapos siyang mag-post ng larawan na nakasuot siya ng mermaid tail blanket, na marami ang nagsabi na bagay sa kaniya. Pahiwatig kaya ito na siya ang maging susunod na Dyesebel?

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nag-trending ang #SOFIAistheNextDYESEBEL dahil sa naturang Instagram post ni Sofia.

"Siyempre sobrang saya ko po na 'yung childhood dream ko na role is nakikita po ng tao sa'kin. Masarap pong pakinggan 'pag galing po sa kanila," sabi ni Sofia.

Isa si Dyesebel sa mga ginampanang role ng kaniyang idol na si Marian Rivera.

"Parang ang saya sa pakiramdam na ikaw na 'yung sumunod na Dyesebel after ate Marian. Super nakaka-proud 'yun sa sarili. Oh my God natupad ko 'yung pangarap ko na maging Dyesebel. Siyempre kung mabibigyan ng chance 'di ba, why not," ayon pa kay Sofia.

Sakaling magkatotoo, tiyak na hindi mahihirapan si Sofia sa role dahil bata pa lang ay mahilig na siyang mag-swimming. Katunayan, nag-enroll pa pala siya sa isang mermaid swimming school para matuto ng paglangoy ng mala-sirena.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Expectations vs. Reality ????????

A post shared by Sofia Pablo (@sofiapablo) on

 


Bukod kay Sofia, umani naman ng papuri ang kaniyang "Prima Donnas" co-star na si Will Ashley nang mapansin ng maraming netizens ang kaniyang transformation.

Inaabot daw ni Will ang kaniyang fitness goals at matiyaga siyang nagwo-workout at home para sa kaniyang "quarantine body."

"Dati talaga kung payat, payatin talaga ako. Ngayon po medyo nagkakalaman na. Hindi pa po talaga ito 'yung gusto ko na makuha sa pagwo-workout pero natutuwa po ako sa kinalabasan po nu'n," sabi ni Will.

Natuwa rin si Will sa nakuha niyang positive reactions sa kaniyang post. At ang kaniya raw fitspiration, si Alden Richards.

"Nakikita ko rin po 'yung idol ko, si kuya Alden nga po, naging inspiration ko po na magpa-buff po ng body, magpalaman," ayon kay Will.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News