Delivery rider na rin ngayon ng kaniyang food business ang Kapuso comedian at "Pepito Manaloto" star na si John Feir.

"Naging delivery boy na ako. Kasi may business kami na in-open, actually last year pa, eh during the pandemic siyempre walang dine-in. So nag-deliver ako," kuwento ni John sa GMA Regional TV.

Gamit ni John ang kaniyang bisikleta sa pagde-deliver, lalo na't isa siyang enthusiast ng pagbibisikleta.

"Nagbisikleta ako, 'yun 'yung madalas kong ginagawa eh, 'yan 'yung paboritong ginagawa sa buong buhay ko kaya nakatipid 'yung negosyo namin dahil ako na 'yung nagde-deliver mismo," anang comedian.

 

 

Sa isang episode ng "Mars Pa More," ipinakita ni John ang kaniyang customized Japanese bike, na ginagamit niya habang panahon ng community quarantine.

Ilan sa mga tinda niya ang sweet corn, chicken barbecue at pork barbecue.

"Itong GCQ ang nagturo rin sa akin kung paano ako magnegosyo nang kaunti para mabuhay," sabi ni John.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News