Hinangaan ni Dingdong Dantes ang kaniyang asawang si Marian Rivera matapos na magpasyang huwag nang ituloy ang bago sana niyang serye na "First Yaya" alang-alang sa kanilang mga anak.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inilahad ni Marian ang desisyon niya na umurong sa "First Yaya" kahit mabigat ito sa kaniyang loob.

"Aaminin ko natatakot talaga din akong lumabas kasi hindi ko alam paglabas ko kung anong makukuha ko tapos uuwi ako sa mga anak ko. So hangga't maaari gusto ko na sa bahay lang talaga ako at kung may trabaho ako, dito ko gagawin sa bahay, sa tulong ng asawa ko," sabi ni Marian.

Dahil dito, saludo sa kaniya si Dingdong.

"Hanga ako sa kaniya, dahil alam kong hindi madali para sa kaniya 'yung desisyon na 'yon," ayon sa aktor.

"Sobrang excited niya nu'ng ibinigay sa kaniya 'yung isa sa mga roles na inaantay niya lalong lalo na dahil makakasama niya si Gabby Concepcion. And mahal na mahal niya 'yung mga makakatrabaho niya rito, 'yung cast members, pati direktor," sabi pa ni Dingdong.

Pinag-usapan daw nilang mag-asawa ang naturang usapin at malinaw umano kay Marian ang priorities niya pagdating sa kanilang mga anak.

Sa ngayon, ang drama-anthology series na "Tadhana" muna ang Kapuso show na aasikasuhin ni Marian, at si Dingdong ang kaniyang direktor na gagawin sa kanilang bahay.

Bahagya raw nanibago ang aktres sa taping ng bagong episodes ng "Tadhana."

"Medyo nag-a-adjust pa rin sa mga trabaho dahil siyempre sanay tayo na lumalabas 'pag nagtatrabaho. Pero this time dito sa loob ng bahay namin ginagawa 'yung lahat ng trabaho," sabi ng Kapuso Primetime Queen.

Nagpasalamat naman si Marian na naiintindihan ng staff ng Tadhana ang desisyong niyang hindi lumabas ng bahay.

"Sisiguraduhin niya na tama 'yung mga ginagawa ko. Minsan kasi shortcut ako eh, hindi puwede sa kaniya 'yun tsaka hindi puwede sa kaniya ang isang shot. Kailangan maraming shots," ani Marian.

"Ang saya eh, ito na lang ang parating nakikita ko sa harap ng lente ko, 'di ba? Very prepared parati, very professional. Naks! On time pero higit sa lahat mahusay talaga," sabi ng Kapuso Primetime King na si Dingdong.--Jamil Santos/FRJ, GMA News