Si Alden Richards ang magho-host ng special documentary ng GMA News and Public Affairs na "Lockdown: Food Diaries."

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing itatampok sa dokumentaryo ang mga pagkaing Pinoy ngayong pandemya.

Pero bukod sa mga pagkain, kasama ring tatalakayin ang buhay ng mga tao na sa pagtitinda ng pagkain umaasa ng kanilang ikinabubuhay. 

Anu-ano ang mga ginagawang paraan ng mga may-ari at manggagawa na nasa food business upang malampasan ang pagsubok na hatid ng COVID-19 pandemic.

Malapit ito kay Asia's Multimedia Star dahil isa ring restaurant owner si Alden, bukod pa sa isa siyang Department of Health anti-COVID-19 campaign ambassador.

Mapapanood ang "Lockdown: Food Diaries" sa darating na Linggo, Setyembre 27, 3:45 p.m. sa GMA.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News