Labis ang tuwa ni Barbie Forteza nang mapansin at i-repost ng kaniyang "idol" na si Selena Gomez ang "Ice Cream" dance cover niya sa Instagram.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang "Ice Cream" ang latest single ng Hollywood actress at singer kasama ang K-pop group na Blackpink.

Panalo naman ang pakiramdam ni Barbie dahil isa ang kaniyang Tiktok entries sa mga video na ni-repost ni Selena sa personal Instagram account nito.

"Akala ko pa prank or hindi talaga si Selena, ganiyan. Tapos nu'ng unti-unti nang nagsi-sink in sa akin, talagang sobrang kinilig ako kasi siyempre isa sa mga idol ko talaga 'yan si Selena Gomez," sabi ni Barbie.

Makikita sa Instagram ni Barbie ang kaniyang bigay-todo na pag-indak at kembot suot ang kaniyang pink midriff outfit.

Hanga naman si Barbie na "very accommodating" si Selena sa kaniyang fans.

"Very interactive sa kaniyang supporters na napapansin 'yung mga small effort namin, mga dance cover. So talagang ina-acknowledge niya," anang Kapuso actress.

Katatapos lang ni Barbie sa pinagbibidahan niyang Kapuso series na "Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday."

Kakaiba aniya ang karanasan niya sa lock-in taping, at sobrang miss pa ng lahat ang isa't isa kaya bigay-todo sila sa mga eksena.

"Ngayon ko lang kasi talaga naka-bonding si Ms. D (Dina Bonnevie). Sobrang cool, 'pag sinabi na 'Humiga ka sa sahig, sa semento' hihiga siya. Kung ano man 'yung kinakalog ni Miss Dina, siya namang medyo kinahinhin ni Miss Snooky (Serna) kaya talagang perfect combination silang dalawa," kuwento ni Barbie.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News