Inihayag ni Jeric Gonzales na kung mayroon man siyang naging "best partner," ito ay walang iba kundi ang kaniyang leading lady sa "Magkaagaw" na si Klea Pineda.

"Lahat sila 'the best' pero sa tingin ko, huwag po kayong magagalit sa akin mga naka-love team ko ha, si Klea," sabi ni Jeric sa Hangout ng GMA Artist Center.

"Tingin ko si Klea 'yung the best. Maraming times ko na siyang naka-work, since 'Maynila' pa lang. I think 'yan 'yung pinakaunang guesting niya sa GMA, unang taping niya," paliwanag ng Kapuso actor.

Nananatili pa rin daw na mabuting magkaibigan sina Jeric at Klea kahit matagal na silang magkatrabaho.

"Hanggang ngayon we are very good co-actors and friends. Para sa akin siya 'yung the best," anang aktor.

Nauna nang inilahad ni Jeric na pareho nilang gusto ni Klea Pineda na mag-level up na ang kanilang pagiging "special friends" pero may mga bagay daw na "pumipigil" sa kanila.

"I think we've both ended up sa thinking na mas magandang mag-focus muna kami sa work, dito sa acting career. And she's young pa kasi, 20 pa lang siya," sabi ni Jeric.

Naunawaan daw ni Jeric na gusto munang mag-focus ni Klea sa career nito, pero handa raw siyang maghintay para sa dalaga.

"So 'yun 'yung discovery ko sa kaniya na, ang gusto talaga niya mag-focus dito and gusto niyang gumaling. Nandoon 'yung focus niya muna eh. So ako naman, naghihintay naman ako," anang binata.

"Ganoon din naman 'yung goal ko, gusto kong gumaling, marami pa akong gustong gawin dito. Same kami. 'Yung hope naman, hindi naman nawawala na one day, puwede ko siyang ligawan," paliwanag pa ng aktor.

"'Yung state namin ngayon is happy kami, iba na 'yung closeness namin," sabi pa ni Jeric. -- FRJ, GMA News