Inihayag ni Jason Abalos na muling mauurong ang pagpapakasal nila ng kaniyang nobya na si Vickie Rushton.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing dahil ito sa pagkaurong din ng sasalihang pageant ni Vickie sa susunod na taon.

Gayunman, naiintindihan daw ito ni Jason.

"Ako kasi hinahayaan ko talaga si Vickie na gawin niya 'yung gusto niyang gawin hangga't dalaga siya. Kasi kapag kasal na kami, may mga bagay kami na hindi magagawa. So sabi ko 'Sige, tutal naman medyo puwede pa 'yung edad niya at ako naman ang lalaki, sige mga max na 'yung three, four years," sabi ng Kapuso actor.

Nauna nang inilahad ni Jason ang mga plano nila ng kaniyang beauty-queen girlfriend kung saan sila titira at magtatayo ng bahay kapag ikinasal na sila.

Isa sa kanilang plano ang mag-settle down sa bayan ni Jason sa Nueva Ecija, kung saan may namanang property ang aktor mula sa kaniyang lolo.

Pumayag naman dito si Vickie.

"'Yun naman talaga ang gusto niya rin, kasi lagi kaming nangangarap na magkaroon kami ng beach house o kaya ng farm lot para doon kami bubuo ng pamilya," sabi ni Jason.

Mapapanood si Jason kasama si Katrina Halili sa bagong episode ng "Tadhana" sa darating na Sabado.

Gaganap si Katrina bilang isang babae na inaabuso at binubugbog ng kaniyang asawa, na karakter ni Jason.

"Medyo mahirap po 'yung ngayon kasi may mga maseselan na eksena po kami na kasi parang nire-rape din 'yung asawa niya eh," sabi ni Katrina. "Ang hirap, pati 'yung binubugbog niya, siya lang din mag-isa kasi nga hindi kami puwedeng magtama masyado, iniiwasan 'yung naghaharap tapos magko-confrontation ng ganiyan." --Jamil Santos/FRJ, GMA News