Nadagdagan pa raw ang disiplina sa sarili ni Winwyn Marquez at naging mas pasensyosa siya sa lahat ng bagay habang tinatapos ang kaniyang training sa pagiging isang Navy reservist.

Sa panayam sa kaniya ng "Mornings with GMA Regional TV," sinabi ni Winwyn na ga-graduate na siya sa kaniyang training sa Nobyembre.

Ipinagpasalamat naman ni Winwyn na marami siyang natutunan sa kaniyang pagsasanay.

"Kung 'yung disiplina ko nasa 100%, ngayon nasa mga 200%. 'Yung patience ko, lahat, the way I analyze things, the way I observe things, the way I treat people also, talagang with very much patience," saad ng Kapuso actress.

"And I'm also curious about everything that's happening around, at the same time mas madali na rin akong mag-adapt sa environment ko," dagdag ni Winwyn.

Matatandaang ang kapwa Kapuso actor na si Rocco Nacino ang nagpamulat sa kaniya sa pagiging isang Navy reservist.

"When he told me that I can serve my country, learn how to protect my family and other people in case of emergency 'yung tamang way, hindi na ako nagdalawang isip, sabi ko I want to enlist," ani Winwyn.

Nitong nakaraang buwan, natuto na rin si Winwyn na bumuo ng baril, bilang bahagi ng Basic Citizen's Military Training sa Philippine Navy. —LBG, GMA News