Matapos ikasal noong Disyembre 2019 kay Kevin Alimon, handa na kayang maging nanay si Joyce Ching?

Sa kaniyang latest vlog na "Becoming a mommy," sumabak si Joyce sa pag-babysit sa isang-taong-gulang niyang pamangkin na si Kaleb para maobserbahan na rin ang kaniyang kapatid kung paano nga bang mag-alaga ang isang ina.

"Ganito pala 'pag mommy ka. 8:47 a.m. pa lang, handa na ang tinola," sabi ni Joyce habang pinanonood ang kapatid na magluto.

Bilang babysitter, si Joyce ang naghanda ng gatas, nagpadede at nagpakain, at nagpaligo sa kaniyang pamangkin.

"So ayun, tulog na si Kaleb. Pagod na pagod ako, ang sakit sa kamay," komento ni Joyce sa kaniyang karanasan.

"Napakahirap mag-alaga ng baby at mag-vlog," sambit pa niya sa video.

Natapos ang isang araw ng pagba-babysit ni Joyce ng 11:48 pm at gising pa rin ang bata. Panoorin ang naturang karanasan ni Joyce sa video .--FRJ, GMA News