Marami mang naging pagsubok sa 2020 kay Maine Mendoza, may maituturing pa rin na "silver lining" na inaasahang ang aktres sa taong ito--ang ipinapagawa niyang bahay.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Maine na sariling bahay na para sa kaniya ang kaniyang ipinapagawa.

"Nilu-look forward ko na lang sa December. Hopefully maka-move-in na 'ko sa ipinapagawang bahay ko, na hindi ko alam kung kailan magagawa," natatawa niyang saad ng aktres.

ADVERTISEMENT

Sumasama raw si Maine sa kaniyang ama pagdating sa pagpili ng ilang bagay na gagamitin sa bahay.

Samantala, nagsimula na rin si Maine na magbalik-taping on location para sa sitcom nila ni Bossing Vic Sotto na "Daddy's Gurl."

Masusi raw ang ipinatutupad na health protocols sa taping kasama na ang halinhinan o by batch sa taping, at may weekly swab test.

"Mahirap," ani Maine sa taping. "Kasi yung mga katrabaho mo parang hindi mo na katrabaho. Kasi nasanay ka na kapag nagbibiruan, yung hampasan. So kapag nagbibiruan kami minsan ite-text na lang namin," natatawa niyang sabi.

Nakabuti naman daw sa paghahanda ni Maine para sa pagbabalik-taping ang kanilang studio taping sa "Eat Bulaga" na mahigpit din ang pagpapatupad ng health protocols

Sa mga fresh o bagong episode ng "Daddy's Gurl," magiging swak pa rin daw sa buhay "new normal" ng mga Pinoy ang magiging tema kaya dapat abangan.--FRJ, GMA News