Napaiyak si Katrina Halili dahil sa halip na mang-hot seat, siya pa ang na-prank nina Wendell Ramos at Aiko Melendez sa sarili niyang vlog.

Sa kaniyang latest vlog, si Katrina naman ang naghanda ng challenge para kina Wendell at Aiko gamit ang lie detector test matapos niyang sumabak na sa kanilang hamon sa kanilang mga vlog.

Ngunit bago pa mag-umpisa, si Katrina na mismo ang nag-aalinlangan kung itutuloy niya ang challenge.

"Actually hindi ko alam kung excited ako. Parang ako ang kinakabahan," sabi ni Katrina.

"Ano ang first impression niyo sa akin?" tanong ni Katrina.

"It has to be answerable by yes or no," pagtama sa kaniya ni Aiko, para gumana ang lie detector test.

Dito na na-off guard si Katrina.

"Ay yes or no ba? Sandali hindi ako ready sis eh!" sabi niya.

At dahil hindi siya handa, sina Wendell at Aiko na lang ang nagtanong kay Katrina, at kamay niya ulit ang isinabak sa lie detector test.

"Ako ang nandiyan? Parang baligtad. Bakit gano'n sis? Bakit ako, teka lang vlog ko 'to!" sabi ni Katrina.

Maya-maya pa, umiiyak na si Katrina sa naging prank sa kaniya nina Aiko at Wendell. Panoorin ang kanilang kuwelang video. – Jamil Santos/RC, GMA News