Naniniwala si Dennis Trillo na dahil sa COVID-19 pandemic, mas tumatag pa ngayon ang relasyon nila ni Jennylyn Mercado.

Sa artikulo ni Jet Hitosis sa PEP.ph, inihayag ng 39-anyos na Kapuso actor na, “wala nang titindi” pa sa pagsubok na idinulot ng pitong buwan nang pandemic sa marami sa atin.

Kaya “suwerte” raw sila ni Jennylyn, 33, na mapagtagumpayan iyon nang magkasama—at nananatiling masaya.

Ibinahagi ito ni Dennis sa virtual press conference kamakailan ng last installment ng GMA-7 drama anthology na "I Can See You: Truly. Madly. Deadly."

Ang naturang drama anthology ay pinagbibidahan ito nina Dennis, Jennylyn, at Rhian Ramos.

Mapapanood ang I Can See You: Truly. Madly. Deadly. sa GMA simula ngayong Lunes, October 19, 9:15 ng gabi.

Sa presscon, tinanong ng entertainment writer na si Rose Garcia ang real-life couple kung ano ang mga naging realizations nila sa panahon ng pandemya.

“Sa relasyon namin, naging masuwerte kami,” sagot ni Dennis.

“Feeling ko kahit ano pang dumaan sa buhay namin, kaya na naming malagpasan.”

Paliwanag ng Kapuso drama actor, ang pandemic na raw marahil ang pinakamatinding pagsubok na mararanasan sa buhay ng isang tao, o ng isang magkarelasyon.

Kaya ang manatiling matatag sa gitna ng krisis ay isa nang malaking tagumpay para sa long-term relationship nila ni Jennylyn.

“Wala nang titindi pa rito sa pinagdadaanan natin ngayon.

“So talagang pag nalampasan mo ito, ibig sabihin, lahat kaya mo na.

“Na masaya pa rin kayo. Magkasama, masaya pa rin,” sabi ni Dennis.

Isa marahil sa mga pagsubok na dinaanan nila ay ang epekto ng enforced quarantine sa cat cafe na kabubukas lang nila noong Pebrero.

Magkasosyo sina Dennis at Jennylyn sa negosyong iyon.--For the full story, visit PEP.ph