Tila gumaan na ang pakiramdam ni Super Tekla matapos ang bagong pagsubok sa buhay niya kaugnay ng kontrobersiya nila ng dating live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag.

Sa kaniyang Facebook post, pinasalamatan ni Tekla ang lahat ng taong nakiramay at sumuporta sa kaniya. Kabilang sa kaniyang binanggit sina Donita Nose at manager niyang si Rose Conde.

"Salamat Panginoon SAlamat DONITA mommy ROSE AT MGA KAIBIGAN KUNG HINDI AKO INIWANAN AT HANDANG IPAGTANGGOL AKO Salamat sa lahat ng sumuporta at magtiwala hindi ko na kayo Maisa isang lahat pipilitin kung bumangon at magsimula nanaig na ang katutuhanan," saad ng comedian.

Ayon kay Tekla, mas pinipili niya na lang na magpatawad para maghilom na ang sugat na kaniyang naramdaman.

Nakiusap siya na huwag nang i-bash si Michelle at ang pamilya nito.

"[W]ag na nating husgahan at e bash pa si Michelle at pamilya nila mas pinili ko ang forgiveness kay sa puot natapos na ang unos at pagsubok let’s forget and forgive at sa lahat ng humusga pinatawad ko na kayong lahat dahil mas ikagagaan ng kalooban ko yun lets pray at pagmamahal nalng poh ang magandang tulong para maghilum ang sugat na dinulot ng pagsubok na ito God Bless us all [prayer emoji]," anang komedyante.

 

Salamat Panginoon SAlamat DONITA mommy ROSE AT MGA KAIBIGAN KUNG HINDI AKO INIWANAN AT HANDANG IPAGTANGGOL AKO Salamat...

Posted by SuperTeklah Librada on Tuesday, October 27, 2020

 

Pinasalamatan din ni Tekla ang GMA Network sa suporta at patnubay na ibinigay nito noong hinaharap niya ang pagsubok.

Sa pinagdaanan kong pagsubok na ito, gusto kong magpasalamat sa aking tahanan GMA Network, sa patnubay at paggabay sa akin. Lubos akong nagpapasalamat at hindi nila ako pinabayaan. GMA bosses, Artist Center at sa aking mga kasamahan sa trabaho at kapwa artista na alam kong nanalangin at nagbigay ng lakas loob sa akin maraming maraming salamat," sabi pa ni Tekla.

 

Sa pinagdaanan kong pagsubok na ito, gusto kong magpasalamat sa aking tahanan GMA Network, sa patnubay at paggabay sa...

Posted by SuperTeklah Librada on Wednesday, October 28, 2020

 

Matatandaang emosyonal na pinabulaanan ni Tekla ang mga paratang na ibinato sa kaniya ni Michelle.--FRJ, GMA News