Dahil sa kaniyang pag-o-online selling, nakabili na ng 6,000 square meters na lupa si Neri Naig, na ikinatuwa ng mister niyang si Chito Miranda. Ang dating aktres, may payo sa mga kapwa niya online seller para magtagumpay sa negosyo.

Sa programang "Bright Side," sinabing kabilang si Neri at Chito sa mga naapektuhan ang pinagkakakitaan dahil sa pandemiya.

Pero sa halip na malugmok at patuloy na malungkot, nagharap ng paraan si Neri kung papaano ipagpapatuloy ang buhay.

ADVERTISEMENT

"Kung dun ako magpo-focus yung nawalan ako, magdidire-diretso na yon, mahihila ka pababa. Anong ginawa ko, nag-isip ako ng puwedeng pagkakitaan pa," saad niya.

Isa sa pumatok na negosyo ni Neri ang gourmet tuyo.

Sa tulong ng kaniyang #TeamWaisCommunity na mga distributor at reseller, lumakas ang negosyo at patuloy silang nakapag-invest hanggang sa mabili ni Neri ng 6,000 square meters na lupa.

"Itong 6,000 square meters na ito, before the pandemic, January. Binabayaran ko siya monthly, kami ni Chito binabayaran namin 'yan. Dapat talaga bayad na bayad na siya ng June. Lahat ng kinikita ko sa online selling du'n ko na binubuhos para hindi ko magastos," sabi ni Neri.

Sa darating na Disyembre, fully paid na ni Neri ang lupa.

"Lagi kayong titingin sa brighter side. Lagi kayong maging positive na, kung ano man 'yung dinadanas natin ngayon, hindi siya forever. Kung nahihirapan kayo ngayon hindi rin siya forever," payo ni Neri sa mga kapwa online seller.

"Okay lang po na magbenta, alam niyo naman na basta legal naman ang binibenta natin at wala tayong natatapakan na tao, benta lang," dagdag niya.--FRJ, GMA News