Muling magtatambal ang "RitKen" nina Rita Daniela at Ken Chan sa bagong Kapuso drama series na "Ang Dalawang Ikaw," kung saan gaganap si Ken bilang isang tao na may multiple personality.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing may dissociative identity disorder, na isang mental illness, ang gagampanang karakter ni Ken.

Kaya mayroon siyang dalawang katauhan sa kuwento, na sina Nelson at si Tyler.

"Dahil nanggaling kami sa 'My Special Tatay' and ang pinag-uusapan pa rin dito 'yung mental health. Dito sa teleserye na ito mental health ang focus ng storya. Talagang isa na namang very challenging na project ang binigay sa amin," sabi ni Ken.

Gaganap naman si Rita bilang si Mia, asawa ng karakter ni Ken na si Nelson, na magkakaroon ng kaagaw sa kaniyang mister dahil sa split personality nito.

"Ever since kasi I've been wanting to really portray a very mature and serious role. Ako mas na-excite rin ako for Ken kasi sa totoo lang, napakahusay ng ginawa niya kay Boyet. So kailangan niyang malagpasan 'yung Boyet na ginawa niya," ani Rita.

Ang bagong Kapuso na si Anna Vicente namana ang gaganap bilang si Beatrice, fiancé ni Tyler.

Makakasama rin nina Ken at Rita sina Dominic Roco, Jake Vargas, Joana Marie Tan at Jeremy Sabido.

Natapos na ng RitKen ang kauna-unahan nilang movie na "Ang Huling Ulan sa Tag-araw" sa Pagsanjan, Laguna.

Bukod dito, napapanood din ang RitKen sa reality singing competition na The Clash.

Kaya naman blessing kung ituring nina Ken at Rita na makapagtrabaho silang magkasama sa gitna ng pandemya. —LBG, GMA News