Umugong ang mga espekulasyon na hiwalay na ang magkasintahang sina Andrea Torres at Derek Ramsay matapos mapansin ng kanilang followers na wala na ang larawan ng isa't isa sa kani-kanilang Instagram account.

Napansin din ng netizens na bagaman follower pa rin si Derek ng account ni Andrea, pero hindi na pina-follow ng dalaga ang account ng aktor.

Gayunman, hindi binura ni Andrea ang mga larawan ng ina ni Derek, na kaniyang hinahangaan at naging ka-close.

May isang video naman sa account ni Derek na makikita pa rin si Andrea pero tungkol ito sa pagbati ng aktor sa kaarawan ng kaniyang ama na nasa video rin

 

 

 

 

Sa ulat ng PEP.ph, kinumpirma umano ng kanilang source na break na ang dalawa.

Ngunit ayon sa source ng GMA News Online na malapit kay Andrea, makabubuti na bigyan muna sina Derek at Andrea ng "space to sort things out. They are mature individuals and we trust that they will be able to do the right things and make the right decisions."

Ang Youtube channel ng magkasintahan na "Andrek," two months ago na ang huling video post tungkol sa ginawa nila solar light unboxing.

Matatandaan na opisyal na kinumpirma nina Andrea at Derek ang kanilang relasyon noong Disyembre 2019.--FRJ, GMA News