Blessing na itinuturing ni Anna Vicente na mabigyan siya ng break bilang kontrabida sa tambalan nina Rita Daniela at Ken Chan sa upcoming Kapuso series na "Ang Dalawang Ikaw."

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing hindi inakala ni Anna na mabibigyan siya ng big break sa kaniyang career sa panahon pa ng pandemic

Gaganap siya bilang si Beatrice, ang babaeng magpapahirap sa mga karakter nina Ken at Rita.

"Blessing kasi siyempre noong pandemic, medyo nagkaroon ng kaunting sadness sa buhay natin, actually everybody naman. Pero this is a blessing for me na I got my first lead role ko with GMA," sabi ni Anna.

Sakto rin ang break kay Anna dahil nakatapos na siya ng kolehiyo sa kursong International Hospitality Management sa College of Saint Benilde.

Sobra ang galak ng aktres na "RitKen" ang kaniyang kasama sa una niyang break bilang Kapuso actress.

"I'm a super fan of RitKen kasi pinapanood ko 'yung show nila before. I'm so excited to work with them because si Rita is my schoolmate tapos si Ken Chan, nakasama ko siya before sa Tween Academy."

Dahil dito, pinaghahandaang mabuti ni Anna ang kaniyang karakter dahil alam niyang parehong magaling na artista sina Rita at Ken.

"'Yung character ko si Beatrice medyo malayo siya eh, sobra 'yung personality, strong personality siya. Malaking preparation," ani Anna.

Handa na rin aniyang magkaroon ng mga basher si Anna dahil magiging patunay naman ito ng epektibo niyang pagganap sa kaniyang karakter.

Hindi rin daw uurungan ni Anna si Rita sa mga umaatikabong na sampalan.

"Mainit ang bangayan nina Beatrice at ni Mia. So I'm super prepared na and ready," sabi ni Anna.--Jamil Santos/FRJ, GMA News