Sinabi ng Kapuso actress na si Shaira Diaz na kung mayroon man daw na posibleng hindi batid ng mga tao tungkol sa kaniya ay ang pagiging "one of the boys" niya mula noong bata pa.

"Kasi simula bata ako puro lalaki na 'yung mga kasama ko. Unang una sa family ko, only girl ako. Then 'yung cousins ko puro lalaki talaga sila lahat. Kaya 'yung mga nagiging barkada nila, nagiging barkada ko rin," kuwento ni Shaira sa "In The Limelight ng GMA Artist Center.


 

Kaya naman kung ano ang kadalasang nilalaro ng mga lalaki, 'yun din ang nilalaro ni Shaira.

"Mahilig din ako sa rough games noong bata ako. Katulad ngayon gamer ako, naglalaro ako ng DOTA, naglalaro ako ng ML (Mobile Legends), halos puro panlalaki na mga games. 'Yun ang dahilan kung bakit 'one of the boys ako,'" sabi pa ng aktres na mapapanood sa Kapuso upcoming series na "Lolong."

Samantala, inilahad din ni Shaira na isang Korean series ang dahilan kung bakit nasa bucket list niya ngayon ang makapunta sa Switzerland.

Inilahad din niya kung ano ang kaniyang mensahe sa kaniyang "younger self." Panoorin ang video. --FRJ, GMA News