Sa kabila ng COVID-19 pandemic, tuloy-tuloy pa rin sa paghahanda sina Lovi Poe at Benjamin Alves para sa kanilang pagbibidahang series na "Owe My Love." Si Lovi, K-drama ang pinaghugutan ng inspirasyon para sa gagampanan niyang role.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing si Lovi ang gaganap bilang si Sensen, na isang financially problematic pero isang optimistic na babae sa serye.

"I'm addicted to it now. I think it's one thing without even knowing na meron kaming natututunan all throughout," sabi ni Lovi tungkol sa panonood niya ng mga K-drama.

Todo pagwo-workout naman si Benjamin para mas bumagay pa siya sa kaniyang karakter bilang isang hot na doktor sa series.

Bilang pasulyap sa fans, gumawa na rin sila ng table reading ng serye at nagbigay din ng kanilang sample performances sina Lovi at Benjamin.

Kasama rin sina AiAi delas Alas at Jackie Lou Blanco bilang magkaribal na Vida at Divina, na nagpa-sample na rin.

Na-excite pa ang mga manonood sa pagpapalabas ng Owe My Love, lalo ang fans ng internet stars na sina Jon Gutierrez at Jelai Andres, na balik-tambalan sa series bilang sina Eddie at Jenny Rose.

Mapapanood ang table read sa Facebook page ng Owe My Love.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News